Karamdaman

KARAMDAMAN

para bang dumapo sa akin ay kayraming sakit
nang dumating sa malamig, nanggaling sa mainit
lagnat, sipon, nagka-sore eyes pa pagdating sa Benguet
mabuti't narito si misis, may gamot na bitbit

dapat akong magpagaling, katawan ay sumigla
nagpapainit sa araw upang huwag manlata
ingat-ingat, huwag sanang COVID na nagbabanta
dahil sakit na iyon ay sadyang kasumpa-sumpa

tinitigan kong nakapikit ang umagang araw
habang nakadipa upang lumakas ang katawan
upang mainitan sa paligid na anong ginaw
nais magbawas, walang nilabas ng ilang araw

kapara ng Mulawin, mula sa araw ang lakas
bagamat wala akong naitatagong ugatpak
ang ninanais ko lamang ay gumaling nang sukat
nang marami pang magawa pag araw na'y ninikat

binigyan ni misis ng inhaler para sa sipon
at pinatakan pa ng eye mo ang sore eyes kong iyon
upang di makahawa, nag-dark glass buong maghapon
at naglagundi, biogesic, ascorbic, revicon

tubig na may asin ang pagwo-water therapy ko
pinangmumumog o kaya'y nilalagok ko ito
maya't maya, tanong ni misis, kumusta na ako
saka bibigyan ng gamot, parang nars na totoo

kami ni misis pag gabi'y suob ang gawa namin
kumukulong tubig na may turmeric, lalanghapin
habang nakatalukbong ng malaking telang satin
upang init ay di lumabas, tungo lang sa akin

bihira akong magkasakit, bihirang-bihira
ngunit pagdatal sa lamig, katawan ko'y nabigla
salamat kay misis, ang nars ko't sintang minumutya
alam kong ako'y gagaling sa kanyang pagkalinga

- gregoriovbituinjr.
09.05.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan