Bartolina

BARTOLINA

tila ba ako'y nakabartolinang walang rehas
sa isang kwartong mapanglaw bagamat may liwanag
nasa silid lang, di basta maaaring lumabas
dahil sa covid, baka maimpeksyon, di panatag

maliit na kwartong tahanan ng maraming araw
tahimik man doon subalit sadyang namamanglaw
dahil sa covid, kinabukasan ay di matanaw
lalo't hipag at biyenan sa covid na'y pumanaw

kaya ako'y damhin mo, talagang di mapakali
lalo na't sa salot na sakit ay sadyang sakbibi
aba'y saulo ko na nga ang hugis ng kisame
pagkat doon nakatitig sa bawat pagmumuni

sana'y gumaling na't makawala sa bartolina
ng bangungot ng covid at hawla ng pagdurusa
balang araw, lalabas ako ritong malaya na
pagkat gumaling na't kaharap ay bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
09.24.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan