Alagata

ALAGATA

lumayo muna sa kalunsuran upang magnilay
lalo't tatlong kamag-anak ang sa COVID namatay
at nitong nakaraan lang ay sumamang maglakbay
kina bayaw sa pagtungo kina misis at nanay

aking inaalagata ang mga nangyayari
kung bakit ang virus na ito'y kayraming nadale
aking pinagninilayan ang isyung anong dami
pinagmununian din bawat problema't diskarte

nasa malayong lalawigang inaalagata
ang mga balantukang sugat na nananariwa
sa loob at kaloobang animo'y dinadagsa
ng mga salot na halimaw na sadyang kaysama

kailan daratal sa bayan ang kaginhawaan
na ipinaglaban noon pa man ng Katipunan
ang sumisira sa bakal ay sariling kalawang
panlaban daw sa aswang, salot, at virus ay bawang

ayokong alagatain ang pulos pagkabigo
o kasawiang nakakaapekto rin sa puso
ngunit di maiwasan kung dumatal ang siphayo
dapat lamang ay handa ka hanggang ito'y maglaho

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot