Pritong isda
PRITONG ISDA
tila isdang galit pag tumingin
sa mesa'y naroong nakahain
kitang sunog nang ito'y hanguin
sa kawaling talagang nangitim
napabayaan ba ng makata
ang pagpiprito niyang kaysigla
o kung saan-saan natunganga
nagluluto'y may ibang ginawa
sapat lang sana ang pagkaluto
upang sarap nito'y di maglaho
nasunog, lumutong, at sumubo
kumain pa rin ng may pagsuyo
sumarap din dahil sa kamatis
na sadyang sa mukha'y pampakinis
na pampaganda rin nitong kutis
kunswelo sa mamang mapagtiis
tara, halina't mananghalian
o kaya'y ulamin sa hapunan
huwag paabutin ng agahan
aba'y kayhirap nang mapanisan
- gregoriovbituinjr.
06.30.2021
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento