Nang magtampo ang tula
NANG MAGTAMPO ANG TULA
naroon sa kawalan, walang pumasok sa isip
tinamad na bang mag-isip kahit sa panaginip
anyubog at banyuhay man ay walang kahulilip
ang musa ng panitik ay nariyang di malirip
marahil huwag piliting paduguin ang utak
huwag piliting humiyaw ang pusong nagnanaknak
subalit diligan pa rin ang alagang pinitak
upang di abutin ang pagkatigang at pag-antak
ngayon lang muli nagsisimula ang bagong araw
habang sa pluma'y nakatarak ang isang balaraw
na kahit apoy sa kalan animo'y anong gaslaw
at suot na pantalon ay bakit ba naging lawlaw
malamlam ang katimugan sa aking pagtingala
tiyan pa'y nananakit, may unos na nagbabadya
naririndi, nanlalabo, parating ba ang sigwa
nilalagnat pati mundong dapat ding maunawa
sumusumbat sa budhi ang kawalan ng pagkilos
pag napuno na ang salop ay dapat kinakalos
gusgusing pulubi ang pagtulang naghihikahos
baka mapabilang sa talaang di magkapuntos
- gregoriovbituinjr.
06.24.2021
* mula Hunyo 14-23 ay di nakatula ang inyong abang lingkod
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento