Ang tungkulin ng makata sa salita

ANG TUNGKULIN NG MAKATA SA SALITA

may samutsaring salitang kayganda ngang aralin
lalo't mga ito'y nasa talatinigan natin
tungkulin ng mga makatang ito'y paunlarin
gawing popular sa madla't maunawaan man din

may salita ring minsan ay ayaw nating pakinggan
dahil tumutukoy sa tagong ari sa katawan
may salitang animo'y may bahid ng kabastusan
o maging katatawanan pag napapag-usapan

ngunit makatang tulad ko'y may tungkulin sa wika
sa saliksik, may katumbas ang maraming salita
katumbas na katutubo sa salitang banyaga
maganda ring aralin ang salitang makaluma

lambiyan, lambiyaw, ang lambitong ay alitaptap
pukot panulingan, pukot panggilid, pukot dalag
hanging balaklaot, timugan, amihan, habagat
kayrami pa nating di alam, dapat ding mamulat

makata'y may tungkulin sa akda nila't diskurso
at mabasa't maunawa ang ibang diyalekto
magamit sa sanaysay o tula o kuro-kuro
muling paggamit ng salita't lumaganap ito

- gregoriovbituinjr.
06.10.2021
National Ballpoint Pen Day

* kuhang litrato ng makatang gala mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 155

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot