Pananakot at pagpatay na'y tigilan

Pananakot at pagpatay na'y tigilan

narinig kaya niya ang kanilang mga sigaw
na pawang hustisya, hustisya ang mga palahaw:
"Duterte, tigilan ang pananakot at pagpatay!"
kayrami nang nawalang mga inosenteng buhay

uhaw sa dugo ang mensahero ng kamatayan
dahil sa atas ng pangulong walang pakundangan
walang galang sa proseso't pantaong karapatan
"patayin lahat iyan" ang bukambibig ng bu-ang

kaya mga alagad niya'y tila asong ulol
naglalaway at hininga ng kapwa'y pinuputol
nanlaban daw ang pinaslang, yaon ang laging kahol
ng mga berdugong sa amo'y masunuring tukmol

mga plakard nila'y sumisigaw ng katarungan
nawa'y dinggin ang hiyaw ng mga kababaihan
itigil na ang walang kapararakang patayan
at atin nang itayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?