Huwag mong ikahiya kung anak mo'y aktibista

HUWAG MONG IKAHIYA KUNG ANAK MO'Y AKTIBISTA

huwag mong ikahiya kung anak mo'y aktibista
sapagkat siya'y prinsipyado't naging makamasa
sapagkat siya'y di napariwara sa barkada
sapagkat napalayo sa bisyo, lalo sa droga

natuto siyang aralin ang bayan at lipunan
natuto ring magsuri sa kongkretong kalagayan
natutong maging kritikal ang kanyang kaisipan
natutong karapatan at hustisya'y ipaglaban

bihira lang ang tumatahak sa ganitong landas
na labanan ang mapagsamantala't mararahas
na nangarap baguhin ang sistemang di parehas
na uring manggagawa'y mapaunlad, mapalakas

hanap na'y trabaho pagka-gradweyt sa kolehiyo
subalit ang makukuha'y kontraktwal na trabaho
kontraktwalisasyong tinanggal na ang benepisyo
kontraktwalisasyong iskema ng kapitalismo

doon lang niya malalaman paano lumaban
bakit ipaglalaban ang kanilang karapatan
na noon ay tiklop-mata sa isyung panlipunan
ngayong may trabaho, saka lamang nararanasan

nang nasa kolehiyo'y di man naging aktibista
ngayong may trabaho'y nag-aktibista sa pabrika
inalam ang karapatan ng mga tulad niya
nalaman bakit salot ang agency sa kanila

saanman mapadpad, pag may nakitang kamalian
tao'y ayaw maging bulag o magbingi-bingihan
payo mo mang huwag makialam sa isyung iyan
dahil apektado'y tiyak makikisangkot iyan

kung may anak kang aktibista, unawain sana
ayaw lang nilang maging bulag, may katwiran sila
lalo't may nakikita silang pagsasamantala
na kung di sila kikibo ngayon, aba'y kaylan pa?

- gregoriovbituinjr.
03.29.21

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa Tutuban

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot