Ang bilin ng matandang tibak

ANG BILIN NG MATANDANG TIBAK

natatandaan ko ang bilin ng matandang tibak
na kilala ng madla sa natatanging halakhak
na tulad ko'y napiit at gumapang din sa lusak
dahil lumalaban sa mang-aapi't naninindak
wala na siya, ngunit siya'y sa akin tumatak

tanda ko nang matandang tibak sa aki'y nangusap:
"Makipagsagupa sa mga buktot kung maganap
at itulad ka lang sa sisiw na sisiyap-siyap
pagdatal ng sandaling iyon, huwag kang kukurap
at baka masilat ka ng burgesyang mapagpanggap."

"Amuyin mo ang kanilang baho't kabisaduhin
malalansa nilang salita't halakhak ay dinggin
makiramdam kang mabuti kahit na nakapiring
ngunit huwag kang papayag na kanilang babuyin
sa harap ng kamatayan, may dignidad kang angkin"

- gregoriovbituinjr.

* Salamat po sa kumuha't nagbigay sa makatang gala ng litratong ito.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan