Panawagan sa World Day of Social Justice

Panawagan sa World Day of Social Justice

ngayong Pebrero a-beynte, World Day of Social Justice
ating alalahanin ang mga nangagtitiis
sa kawalang hustisya, ligalig, danas na amis
asam na anumang siphayo'y mawala't mapalis

hustisya nawa'y kamtin ng buhay na iwinala
sapagkat walang pusong halimaw yaong nanudla
parak ay ginawang berdugo ng puno ng bansa
habang mga kuhila'y ngising aso't tuwang-tuwa

"End the assault! Stop the killings!" itong aming hiyaw
"Justice for all victims of E.J.K." pa'y aming sigaw
yaong mga inosenteng biktima'y binalaraw
mga ina'y lumuha't walang hustisyang matanaw

may bahid ng dugo ang katarungang nilalayon
dahil may pakana'y asong ulol o tigreng buhong
naglalaway makakita ng nagpilang kabaong
utak nito'y panagutin, parusahan, ikulong

Pandaigdigang Araw ng Hustisyang Panlipunan
isang araw na oportunidad sa sambayanan
nang sama-samang kumilos para sa katarungan
na sana'y kamtin ng mga mahal nilang pinaslang

- gregoriovbituinjr.
02.20.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot