Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan

Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan

manggagawang pangkalusugan ay taas-kamao
sama-samang kumilos sa adhikang pagbabago
hangarin nila'y proteksyon bilang mga obrero
sa kabuhayan nila't karapatang demokratiko

pagkat may banta ng tanggalan sa kanilang hanay
papalitan ng kontraktwal sa kanila ba'y pakay
ng mga may-ari ng ospital na nabubuhay
sa pagod ng manggagawang nagpapagal na tunay

ngayong may pandemya, saka pa ito nagaganap
silang mga frontliner na sa bayan lumilingap
subalit tatanggalin sila? aba'y anong saklap
di dapat masayang lang ang kanilang pagsisikap

samahan natin ang manggagawang pangkalusugan
taas-kamaong makiisa sa kanilang laban
tulad din nating hangad ay hustisyang panlipunan
samahan sila sa laban hanggang pagtagumpayan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?