Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

"Laganap na tanggalan sa trabaho, ipagbawal!"
at "Likhain ang industriyang akma sa new normal!"
dalawang panawagang ano't tila magkakambal
mensaheng sa kapitalista'y baka makagimbal

subalit iyan ang wastong panawagan, ang tama
sa panahon ang pandemya sa masa'y kumawawa
upang maiwasan ang sigwang nagdulot ng luha
habang panlipunang hustisya ang inaadhika

ito ang tugon nila sa kongkretong pagsusuri
sa sitwasyong ang kapitalismo'y kamuhi-muhi
makatarungang panawagan, prinsipyadong mithi
na dapat mapagtagumpayan, dapat ipagwagi

halina't makiisa sa hiling ng manggagawa
at samahan natin sila sa nagbabadyang sigwa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot