Ang orasan sa puno
Ang orasan sa puno
animo'y sining ni Salvador Dali ang litrato
ito'y agad kong napagtanto kaya kinunan ko
umiindayog sa reyalidad ang suryalismo
na animo'y ibang daigdig ang pinapasok mo
anong ginagawa ng orasan sa punong iyon
na dapat nakasabit sa bahay ang tulad niyon
nilagay sa puno, di naman talaga tinapon
kakaiba ang katotohanang naglilimayon
tila pinta ni Salvador Dali ang reyalidad
ayon sa kanyang naisip at sa atin bumungad
sali-saliwa man ang bulaklak na bumukadkad
na di madalumat ano ba talaga ang hangad
sinipat at sinuri ang di basta napapansin
baka sa bawat oras na ginugol ay may bilin
mahalaga ang panahong dapat wastong gamitin
upang tadhana'y matutuksong pumanig sa atin
- gregoriovbituinjr.
* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento