Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik
matinding panawagang huwag magpatumpik-tumpik
pagkat dagat at tao'y nalulunod na sa plastik
dahil din sa pandemya'y nagkalat na rin ang plastik
ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik
halina't para sa kalikasan tayo'y lumahok
plastik ay gupitin ng maliliit at ipasok
doon sa loob ng boteng plastik ating isuksok
mga plastik naman ay basurang di nabubulok
hanggang maging tila brick na di madurog sa tigas
at gawin din natin ang yosibrik baka malutas
iyang problema ng upos na ating namamalas
na lulutang-lutang sa dagat, sadyang alingasngas
ngayong Zero Waste Month, lumahok tayo't magsikilos
sagipin ang bayan sa basurang plastik at upos
sa usaping ito'y may magagawa tayong lubos
sa kayraming basura'y halina't makipagtuos
- gregoriovbituinjr.
01.25.2021
* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento