Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2021

Bahay na imburnal?

Imahe
Bahay na imburnal? ganito ba ang buhay ng mga walang bahay? ngiti ba nila'y tunay? o sila'y tila patay? sila ba'y mamamayan pa ba ng ating bayan? bakit di matulungan nitong pamahalaan? iyan ba'y tahanan na? iyan ba'y bahay nila? anong kanilang dama? nakangiting may dusa? may sanggol na sinilang may batang murang gulang doon na ba nanahan nang may masilungan lang di ba kayo naawa at wala ring magawa sila ba’y isinumpa’t ang dangal na’y nawala? sa pang-imburnal yaon gagamitin paglaon pag napalayas doon saan na paroroon? * kuha ang litrato mula sa internet * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Ang panawagan ng ZOTO

Imahe
Ang panawagan ng ZOTO napakalalim subalit prinsipyado ang pakay na ipaglaban ang karapatan, tayo'y magsikhay tungo sa makatao at abot-kayang pabahay panawagan ng ZOTO na mula sa puso'y tunay nagtipon-tipon sila roong pinag-uusapan ang mga hakbangin upang asam nila'y makamtan kolektibong pagkilos, kolektibong talakayan upang ito'y ipaglaban at mapagtagumpayan mabuhay ang ZOTO - Zone One Tondo Organization sa inaadhika nila't dakilang nilalayon hindi lang iyan islogan kundi prinsipyo't misyon na isasabuhay nati't tutuparin paglaon pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka upang kamtin ang pangarap na pabahay sa masa - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang asembliya sa Bantayog ng mga Bayani, 12.07.2020 * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Soneto sa kalendaryo

Imahe
walang anumang ginagamit akong kalendaryo kundi tanging kalendaryong mayroon sa selpon ko walang kalendaryong nakasabit sa dingding dito walang natanggap at di rin ako bumili nito kaya sa dilaw na papel ay isinulat na lang ang petsa sa kalendaryo sakaling kailangan kinabit sa dingding, petsa'y agad nang matitingnan halimbawa'y nasa pulong o nagpaplano pa lang anong araw tumama ang katorse ng Pebrero? Lunes ba? Martes ba? Huwebes? Sabado? o Linggo? kalendaryo'y ginawa lang, may gamit kasi rito may papel, pentel pen, ayos, diskartehan lang ito makakatulong ito sa iba, di man maganda mahalaga'y may impormasyon sa araw at petsa - gregoriovbituinjr.

Sa pasilyo

Imahe
SA PASILYO naroroon sa pasilyo ang mga agam-agam na di madalumat sa pagdatal ng siyam-siyam lumbay ang kaakibat na animo'y di maparam subalit nag-iisa man ay walang dinaramdam dumadalaw ang mutya sa pagsapit ng kadimlan musa ng panitik na nasa aking panagimpan kaulayaw ko't tinitipa ang napag-usapan ngunit siya'y nawawala na kinaumagahan sa umaga'y lalampasuhin ang pasilyong iyon na kahit sa pag-iisa'y masayang naroroon habang nasa isip paano gampanan ang misyon upang kamtin ng bayan ang dakilang nilalayon ang pasilyo man ay pugad ng mga agam-agam pag musa'y dumatal, lumbay ay agad napaparam - gregoriovbituinjr.

Mag-yosibrick at upos ay hanapan ng solusyon

Imahe
MAG-YOSIBRICK AT UPOS AY HANAPAN NG SOLUSYON Master, sa titisan ilagay ang titis at upos halimbawang sinigarilyo'y tuluyan nang naubos sana'y maging malusog ka pa't hindi kinakapos ng hininga kahit sunog baga ka pa't hikahos maging disiplinado sa upos mong tinatapon huwag ikalat at pitikin lang kung saan ayon upang sa laot di isda ang dito'y makalulon mag-yosibrik tayo't baka makatulong paglaon paggawa ng yosibrik ay upang ipropaganda na dapat gawing produkto ang sa upos ay hibla kumausap ng imbentor kung ating makakaya o kaya'y siyentipiko, bakasakali baga kaya nga upos ng yosi'y huwag basta itapon baka paglaon ay may makagawa ng imbensyon mula sa hibla ng yosi, mayari ay sinturon o kaya'y bag, sapatos, tsinelas, ito ang layon hindi ba't nagagawang barong ang hibla ng pinya nagagawa namang lubid ang hibla ng abaka sa hibla ng upos ng yosi'y may magagawa pa aralin natin ito bakasakaling magbunga ikaw, sa problema ng upos, anong iyong tugon? t...

Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

Imahe
matinding panawagang huwag magpatumpik-tumpik pagkat dagat at tao'y nalulunod na sa plastik dahil din sa pandemya'y nagkalat na rin ang plastik ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik halina't para sa kalikasan tayo'y lumahok plastik ay gupitin ng maliliit at ipasok doon sa loob ng boteng plastik ating isuksok mga plastik naman ay basurang di nabubulok hanggang maging tila brick na di madurog sa tigas at gawin din natin ang yosibrik baka malutas iyang problema ng upos na ating namamalas na lulutang-lutang sa dagat, sadyang alingasngas ngayong Zero Waste Month, lumahok tayo't magsikilos sagipin ang bayan sa basurang plastik at upos sa usaping ito'y may magagawa tayong lubos sa kayraming basura'y halina't makipagtuos - gregoriovbituinjr. 01.25.2021 * Ang buwan ng Enero ay  Zero Waste Month . Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Ang paggawa ng yosibrik

Imahe
nag-ipon muna ako ng delatang walang laman saka ginawang ashtray, sa Tagalog ay titisan upang mga upos at titis ay may paglalagyan na noong una nga'y labis kong pinandidirihan ngunit dapat may gawin sa mga upos ng yosi pagkat sa laot naglulutangan itong kayrami ang madla'y walang magawa sa basurang sakbibi na nilalamon ng mga isda't di mapakali tulad ng ekobrik ay naisip kong mag-yosibrik kung ekobrik ay pagsiksik ng ginupit na plastik sa yosibrik naman, pulos upos ang sinisiksik gamit ang glab at sipit sinuot sa boteng plastik anong dahilan? bakasakaling may paggamitan ang hibla ng upos, baka may imbensyong anuman upang magamit din ang hibla't maging kagamitan halimbawa'y bag, sinturon, o anumang lagayan ipapakita kong maraming nagawang yosibrik upang makumbinsi ang syentipikong magsaliksik upang upos ay di na maging basurang sumiksik sa laot, sa lansangan, sa basurahan nga'y hitik ngayong Enero, Zero Waste Month, tayo na'y lumikha nitong yosibrik bilang tu...

Nasaan si misis?

Imahe
tanong nila, nasaan si misis, kasama mo ba? oo, tanging nasabi ko, lagi siyang kasama at nagtanong uli sila, e, nasaan nga siya? narito, narito sa puso ko ang aking sinta di lang siya nasa puso ko, ang puso ko'y siya - gregoriovbituinjr.

Libay

Imahe
ikaw lang ang aking libay ng buong kalupaan kung saan labis kong minamahal at hinangaan dahil sa busilak na puso't angking kabutihan at tigib na kagandahan pag iyong nakagisnan -gregoriovbituinjr. *  libay  - babaeng usa, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 693

Abo sa lupa laban sa salot

Imahe
nakatulong ang payong lagyan ng abo ang lupa upang mapigilan ang dahilan ng pagkasira ng mga dahon ng kamatis na sadyang nawala may maliliit na susô raw sa lupa'y gumawa mabuting may tirang abo ng yosi sa titisan at siya kong inilagay sa lupang aking tinamnan ng kamatis at napansin kong ito'y napigilan sana salot na yaon ay mawala nang tuluyan kinakain ng kulisap ang dahon, akala ko kaya tanim ay inilayo ng may limang metro dingding ang pagitan, sadyang inilayo ng pwesto at humingi rin ng payo sa facebook dahil dito ngayong may pandemya'y natuto na akong magtanim upang mawala ang alinlangan sa ambang lagim buti't tanim kong sili'y di nagalaw ng rimarim na salot sa lupang dahilan nitong paninimdim salamat sa mga magsasakang nagpayo niyon sa facebook, kamatis ko sana'y magbunga paglaon salamat na rin sa nagyoyosi't nagkasolusyon, bukod sa proyektong yosibrick ay may bagong misyon - gregoriovbituinjr.

Paghuhugas ng pinggan sa umaga

Imahe
paghuhugas ng pinggan, kutsara, tinidor, baso't iba pa tuwing umaga'y akin nang ehersisyo pagkat sa umaga malakas ang tulo sa gripo lalo't sa gabi'y antok na't wala pang tulo ito paghuhugas nito'y panahon din ng pagninilay naiisip ang samutsaring paksang makukulay pulitika, matematika, karaniwang bagay at pag-alagata sa awit ng pagsintang tunay habang nagsasabon, mga isyu ng maralita habang nagbabanlaw, balita't usaping paggawa habang nagsasalansan, kababaihan at bata habang nagpupunas, isyu't karapatan ng madla ang daigdig ay tingnan sa paraang positibo nakatingala man sa langit o nasa lababo may pandemya man, tuloy ang laban, tuloy ang bisyo kong pagkatha ng buhay, tula, sanaysay, at kwento magandang ehersisyo ang paghuhugas ng pinggan lalo't kayraming nagkakarambola sa isipan samutsaring ligaya, libog, agam, alinlangan paraan din ito ng pagtanggal ng alinsangan - gregoriovbituinjr.

Batas ng Kapital

Imahe
Batas ng Kapital Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nakamura. Kailangan lang maglibot at mag-ikot. Walong tali ng okra, P5 isang tali, pito ang laman. Sa talipapa katapat ng palengke. Habang sa loob ng palengke, P10 isang tali, apat ang laman. Kaya imbes P80 sa walong tali ng okra, nabili ko ito ng P40 lang. Kinapa ko at binali ang dulo, mura pa at di magulang. Nakamura sa paboritong okra. Marahil, napakarami nito sa pinanggalingan. Law of supply and demand. O kaya, malaki ang bayad sa stall sa loob ng palengke kaya may patong sa presyo ng okra. At maliit ang bayad sa stall sa talipapa kaya mura ang okra. #buhayvegetarianatbudgetarian

Isuot nang tama ang face mask

Imahe
nag-selfie ako sa nadaanan kong karatula, na  "Wag Kang Pasaway!"  na ang pinta pa'y pulang-pula at  "Isuot nang tama ang iyong mask!"  ang sabi pa pagkat bilin nilang ito sa masa'y mahalaga nitong panahon ng pandemya'y may banta sa ating kalusugan kaya dapat na mag-social distancing face mask at face shield nati'y suutin ang tanging hiling ito'y paggalang na rin sa iba, sa kapwa natin tiyaking may alkohol kang dala't laging maghinaw ng kamay upang kalusugan nati'y di mamanglaw kaydaling sundin, mag-face mask ka, huwag kang pasaway igalang ang ating kapwa't kayrami nang namatay kung di ka man naniniwala sa coronavirus huwag kaming idamay sa paniwala mong lubos "Wag kang pasaway!"  kahit sumama ka lang sa agos huwag pasaway pagkat magkasakit ay magastos - gregoriovbituinjr.

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two Upang maging bahagi ng bagong kasaysayang ito Upang labanan ang anumang ligalig at pasismo Lalo't ako'y aktibista mula paa hanggang ulo Hindi ako naging estudyante ng U.P, ah, hindi Ngunit ang tulad ko'y kaytagal ding doon namalagi Pag may paseminar ang Sanlakas, BMP't kauri Pag may pagtitipon ang Laban ng Masa'y kabahagi At sa paseroksan doon, mga libro ko'y ginawa Doon nagpraktis ang Climate Walk bago mangibang bansa Kaya bahagi ang U.P. ng pagkatao ko't diwa Pag ito'y sinaling, sa bagong Komyun kaisang diwa - gregoriovbituinjr. 01.20.2021 Matapos mabasa ang mga balita sa kawing na: https://www.rappler.com/nation/end-dnd-agreement-assault-against-freedom-university-philippines https://www.cnn.ph/news/2021/1/19/UP-DND-pact-Soto-Enrile-agreement-.html https://www.up.edu.ph/protect-academic-freedom-up-president-danilo-l-concepcion-responds-to-dnds-unilateral-abrogation-of-the-up-dnd-accord/

Tanagà laban sa pagsasamantala

TANAGA LABAN SA PAGSASAMANTALA 1 aping-api ang dukha at uring manggagawa inapi ng kuhila pagkat mayamang sadya 2 ano bang dapat gawin upang ito’y tapusin bayan muna’y suriin lipunan ay aralin 3 umano sanhi nito’y pag-aaring pribado pagkat mayroon nito’y siyang haring totoo 4 pribadong pag-aari ay di kapuri-puri kung ito yaong sanhi ng dusa sa kalahi 5 napagsamantalahan ang mga walang yaman at naghahari naman yaong tuso’t gahaman 6 ipunang sosyalista’y pangarap sa tuwina  obrero, magkaisa baguhin ang sistema * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, pahina 20.

Huwag mahirati sa facebook

Imahe
HUWAG MAHIRATI SA FACEBOOK huwag kang mahirating sa facebook nakikibaka nanunuligsa ng mali gamit ang social media bagamat walang mali rito pagkat may pandemya mabuting sa masa'y harapan ding makipagkita tama lamang na social media'y imaksimisa mo lalo't may protokol upang di mahawa ang tao ngunit kung ito lang, nasisikmura mo ba ito? iba pa rin pag ang masa'y kaharap na totoo gamitin ang facebook upang balita'y maihatid gamitin ang social media kung may ipababatid gamitin ang teknolohiya't labanan ang ganid at mapagsamantala sa ating uri't kapatid huwag kang mahirating sa facebook lang kumikilos mabuting tingnan mo ang buhay na kalunos-lunos at kausaping personal ang maralita't kapos at palakasin ang loob nilang mga hikahos - gregoriovbituinjr. * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Ang salin ng TENANT sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito? Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay: (1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish). (2) a tenant in land holding: Kasamá. (3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira). (4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan. Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamá. (Ang d...

Puspusang pakikibaka

Imahe
PUSPUSANG PAKIKIBAKA ayokong dumako sa sentro ng katiwalian lalo na’y nakakasira ng ating katauhan na winawalis lang yaong salapi sa hangganan hinihigaan ang perang galing sa kabang bayan naroroon lang ako, nakikibakang totoo kasama ang mga dukha’t laksa-laksang obrero upang itayo ang isang lipunang makatao’t yugyugin ang mapagsamantalang kapitalismo puspusang paglilingkod, puspusang pakikibaka nangangarap ng pagbabago kasama ng masa kolektibong kumikilos, walang idolong isa wala ring manunubos na inaasahan nila pagkat nasa kamay ng uring manggagawa’t masa ang pinapangarap nating panlipunang hustisya tuloy ang laban, patuloy tayong mag-organisa hangga’t tunay na lipunang makatao’y kamtin na - gregoriovbituinjr. * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Ang proyektong yosibrick

Imahe
Ang proyektong yosibrick iniipon ko ang mga upos ng sigarilyo pagkat isa sa naglipanang basura sa mundo gagawing parang ekobrick, yosibrick ang tawag ko tinitipon bakasakaling may magawa rito di lang ito pagsiksik ng upos sa boteng plastik kundi mabatid sa basurang ito'y may umimik may magagawa ba sa upos na nagsusumiksik sa kanal, lansangan, sa laot nga'y basurang hitik di ako nagyoyosi, ito'y akin lang tinipon upang gawing yosibrick habang hanap ay solusyon sa hibla nito'y baka may magawa pang imbensyon baka mayari'y bag, sapatos, pitaka, sinturon ang upos ng yosi'y binubuo ng mga hibla nagagawang lubid ang mga hibla ng abaka at nagagawang barong ang mga hibla ng pinya sa hibla naman ng upos baka may magawa pa panimula pa lang itong yosibrick na nabanggit baka may maimbentong hibla nito'y magagamit na sana'y may magawa pa ritong sulit na sulit para sa kalikasan, ito ang munti kong hirit - gregoriovbituinjr.

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

Imahe
Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo isang alalahanin yaong sadyang sumambulat pagkat tayo ang tinamaan sa isiniwalat ng ulat na kapaligiran nati'y nawawarat dahil sa ating kagagawang di pala marapat mga gamit na mantika'y huwag basta itapon sa lababo, saan ba natin ibubuhos iyon? itong sabi sa ulat, ano bang kanilang layon? magsuring mabuti't anong ating maitutulong? mantika'y maaaring dumaloy sa sapa't ilog o sa karagatan o sa katubigang kanugnog papatay sa mga isda, tanim ay malalamog apektado pa'y ibang nilalang na madudurog sasakalin ng gamit na mantika ang nilalang pupuluputan ng sebo ang kanilang katawan nakababahalang ulat na dapat lang malaman nang ito'y malapatan ng angkop na kalutasan - gregoriovbituinjr. * ang ulat at litrato'y mula sa fb page ng kumpanyang RMC Oil Ecosolutions

Mga tiket ng bus

Imahe
Mga tiket ng bus basura na ba sila matapos bumaba ng bus na mahalagang papel sa paglalakbay mong lubos na naipon ko pala sa bag patunay ng gastos sa kabila ng tag-araw at pagdatal na unos maliit mang papel yaong minsan nasusulatan ng mga salitang dumaplis na napagnilayan ng taludtod na di dapat mawaglit sa isipan ng saknong na hangad ay pagbabago ng lipunan mga tiket ng bus na saksi sa maraming kwento at karanasan habang ako'y paroo't parito mga kwentong kung tipunin ay maisasalibro upang maipabasa sa mga anak at apo mga tiket bang ito'y dapat ko nang ibasura pagkat basura na lang sa bag ko't wala nang kwenta serbisyo sa paglalakbay nga'y iyon ang halaga subalit dahil nagamit na'y dapat itapon na - gregoriovbituinjr.

Sa kaarawan ng aking kabiyak

Imahe
  Sa kaarawan ng aking kabiyak Liberty ang pangalan na kaytagal kong hinanap Hanggang makadaupang palad ang paglayang hagilap Liberty, Freedom, Paglaya, Kasarinlang pangarap Nasa'y pagbabago ng lipunang walang nagpapanggap Sa kaarawan mo, O, Liberty kong sinisinta Nananahan ka na sa aking puso't laging kasama Bawat igkas niring panitik ay ikaw ang musa Ikaw ang diwata sa balintataw ko't humalina Sa panahon man ng pandemya't maraming kawalan Nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan Bating mula sa puso'y "Maligayang kaarawan!" At gaya ng sabi nila, "Have many more birthdays to come!" - gregoriovbituinjr 01.06.2020

Di dapat antas-dalo lang

DI DAPAT ANTAS-DALO LANG dapat kumilos tungong pagbabagong panlipunan ang ating napapasama sa rali sa lansangan di dapat antas-dalo ang kanilang kahinatnan ito'y napagtanto ko sa maraming karanasan dapat mapakilos silang nagkakaisang diwa nagkakaisang puso, tindig, dangal, at adhika pinag-alab ang apoy sa damdaming di humupa upang palitan na ang sistemang kasumpa-sumpa di dapat hanggang antas-dalo lang ang mapakilos kundi unti-unting mamulat bakit may hikahos sasama sa rali, kakabig dahil kinakapos pag ganyan ang nangyari'y wala tayong matatapos kung antas-dalo lang, di nauunawa ang layon dahil walang magawa't nakatunganga maghapon dama mo ba'y bigo sa pag-oorganisang iyon? humayo't maging masigasig sa inyong natipon - gregoriovbituinjr. 01.01.2021

Pinyuyir Tuol

PINYUYIR TUOL (an acrostic poem) P agbati po sa inyo ng Manigong Bagong Taon I to'y mula sa puso't diwang hindi makakahon N ais kong pasalamatan ang bawat isa ngayon Y amang naging bahagi kayo ng buhay ko't layon U ugitin natin ang magandang kinabukasan Y aring buhay na'y aking inalay para sa bayan I tatayo ang pinapangarap nating lipunan R inig mo iyon sa pintig ng puso ko't isipan T utulan bawat pang-aapi't pagsasamantala U pang makataong lipunan ay maitatag pa O , Manigong Bagong Taon muli't bagong pag-asa L alo't naririto pang malakas at humihinga - gregoriovbituinjr. 01.01.2021