Pag salat sa pag-ibig

minsan, nagdurugo ang pusong salat sa pag-ibig
pagkat walang inibig kaya dama'y  nabibikig
mabuti nang nagmahal kaysa di man lang umibig
kahit magdugo ang pusong nasawi sa pag-ibig

oo, mabuti pang masaktan ang pusong nagmahal
na ang nadaramang kirot animo'y nagpapantal
minsan, mabuti pang sa pag-ibig nagpakahangal
kaysa di umibig at inibig, nagpatiwakal

ako'y ibigin mo, O, diwata kong minumutya
pagkat ikaw ang ibig ko, magbadya man ang sigwa
babatahin ang hirap kahit magdusa't lumuha
na kung mawawala ka'y tiyak kong ipagluluksa

ayos lamang daw magbigay ng tsokolate't rosas
ngunit anila'y mabuting may pambili ng bigas
pagkat di sapat ang pagmamahal, puso'y nag-atas
na dapat nakabubusog din ang pagsintang wagas

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan