Kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma
kung sakaling ako ang tulang may sukat at tugma
ito'y pagkat sa diwa'y maraming kumakawala
samutsaring mukha, mababangis na dambuhala
ako'y abang makata sa anong gandang diwata
sabay naming lilikhain ang saknong at taludtod
upang hustisyang panlipunan ay maitaguyod
upang patuloy na magsipag ako sa pagkayod
upang matutong sumisid nang di naman malunod
malayang taludturan nga ba'y tunay na malaya
habang lipunang makatao'y hangad na malikha
nasa malayo man ang diwata'y kinakalinga
tumatakbo man ang diwa'y huwag sanang madapa
kinakatha ang mga diona, tanaga't dalit
na alay sa masa't sa diwata kong anong rikit
siya ang tula ko't ako ang tula niyang sambit
habang sa inhustisya, yaring pluma'y nagngangalit
- gregoriovbituinjr.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento