Sa danas ng dugo ko't diwa

kung nais nilang ako'y tuluyang mahiwalay na
doon sa kinaaaniban kong kilusang masa
tatanggapin kong mahiwalay sa tama ng bala
sa noo, doon sa pagitan ng dalawang mata

pagkat tibak akong sumumpang hanggang kamatayan
na tutuparin ang adhikain ng Katipunan
makabagong Kastila'y Pilipinong kababayan
makabagong Amer'kano'y mapang-aping gahaman

patuloy kong tatanganan ang prinsipyo't adhika
lipunang makatao'y itayo mula sa wala
makabagong Katipunero'y uring manggagawa
makabagong bayani'y ang hukbong mapagpalaya

ako'y makatang tinutula'y mga samutsari
iba't ibang paksang sa puso't diwa'y di mawari
dumudugo ang utak laban sa mapang-aglahi
upang magagap ng masang nagbabakasakali

magtatatlong dekada nang lingkod ng sambayanan
pangarap pa ring makitang magwawagi sa laban
magretiro sa misyong ito'y wala sa isipan
hanggang sa huling hininga, pagbaka'y karangalan

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan