Pagbalik sa dating ako

pinuntahan ko ang Baguio, walang bus sa terminal
nais kong umalis ngunit walang bus sa terminal
bakit nais ng tadhanang ako rito'y magtagal
pag nanatili pa rito'y baka magpatiwakal

puntahan lamang ito ng turistang namamasyal
kung di ka tagarito, baka di ka rin tumagal
iba ang wika, payapang-payapa, amoy banal
akong tambay ng Quiapo'y tila isang pusakal

bawal mag-kompyuter ang manunulat na tulad ko
sayang daw ang kuryente't wala rin daw sweldo rito
tingin pa'y pulos pesbuk lang daw imbes magtrabaho
pati pag-eekobrik ko sa silong pa'y punado

umagang gigising, maglalaba, maglalampaso
sa hapon, magsasaing, magluluto, magpiprito
sa gabi'y tinitiyak na malinis ang lababo
ginagawa ang dapat sa araw ko't gabi rito

subalit sadyang iba na ang aking pakiramdam
kaya nais ko na talagang dito'y magpaalam
pakitungo naman nila sa akin ay kay-inam
ngunit puso ko'y wala rito, ako'y nagdaramdam

nais kong bumalik sa lungsod, doon sa Angono,
Antipolo, Binangonan, Tanay, Quiapo, Tondo
upang magawa ang dati't mga plano kong libro
upang sarili'y manumbalik, ako'y maging ako

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot