Ang nasa loob
minsan, hayaan mong sabihin ko ang nasa loob
kaysa makitang aking ulo'y laging nakasubsob
dahil sa gawaing nasa puso, ako'y marubdob
minsan nga, pag umulan, sa iba'y makikisukob
nadarama ko ngayon ay kawalan, pagkahungkag
pag-eekobrik ko'y pagmumukmok, di mapanatag
nilabhan ay kaytagal matuyo, nababagabag
sa bawat tilamsik ng mantika'y di makasalag
pinupulikat dahil sagad sa buto ang lamig
kaya tuwing madaling araw, binti'y namimitig
habang nasa isip ang lamlam ng bawat mong titig
pati indayog ng tinig mo'y kaysarap marinig
ngiti ko'y masisilayan mo sa bawat umaga
nasa silong at ang sahig ay lilinisin muna
kukusutin, sasabunin ang naroong labada
magbabanlaw, maliligo, maghihilod tuwina
subalit pare-pareho na lang ang bawat araw
nais ko nang hilahin ang bawat gabing kaypanglaw
damit ko'y nais kong baligtarin, baka naligaw
sa matematikang sinusuri'y tila lumabnaw
narito nga't nasasaloob ko'y nais ilabas
habang pinagmamasdan ang gumapang na ilahas
tila baga may ibinubulong ang mga pantas
na dapat nang itayo ang isang lipunang patas
- gregoriovbituinjr.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento