Partisipasyon sa kilusang masa ngayong lockdown

 mabuting sa kilusang masa'y may partisipasyon

at tuloy-tuloy kaysa nakatunganga maghapon

ayoko namang nakatanghod lang sa telebisyon

habang nag-iisip saan kukunin ang panglamon


pagkat nakakaburyong ang panahong kwarantina

mabuti't nakaugnay pa rin sa kilusang masa

at nakakapaglingkod pa rin ang tangan kong pluma

ang magsilbi sa masa'y tungkuling dama ko'y saya


patuloy lamang ako sa gawaing pagsusulat

anumang pakikibaka'y inaalam kong sukat

kung may paglabag sa karapatang dapat maungkat

ay dapat masaliksik upang ito'y isiwalat


subalit wala namang kita sa pagsusulat ko

gaano man ako kasipag sa gawaing ito

ngunit ito'y tungkulin kung saan masaya ako

lalo't ako'y manunulat, makata hanggang dulo


magsulat para sa masa'y niyakap kong tungkulin

habang naninindigan at yakap ang adhikain

sapagkat ako'y tibak, ito'y tapat kong gagawin

para sa masa'y maghahanda lagi ng sulatin


- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot