Pakiramdam ko'y puputok ang aking mga ugat

pakiramdam ko'y puputok ang aking mga ugat
lalo't nadaramang palamunin lang at pabigat
tila paslit akong inihihimutok ang sugat
na ilang araw lang naman ito'y magiging pilat

nadama sa kwarantina'y di dapat ipagtampo
walang kinikita gayong wala namang negosyo
wala ring sinasahod gayong di naman obrero
masipag sa gawaing bahay, di man naempleyo

may pinagkakaabalahan namang pahayagan
na nalalathala dalawang beses isang buwan
na paksa'y sinasaliksik at pinag-iisipan
na buong dalawampung pahina'y dapat palamnan

bawat araw nga, dalawang tula'y dapat malikha
minsan isa, tatlo, basta't dalawa'y itinakda
sa gawaing bahay at ekobrik nga'y nagkukusa
sa pagsusulat lang madalas napapatunganga

ayokong ituring na pabigat o palamunin
kung iyan ang palagay o tingin nila sa akin
mabuting mawala na't ako'y kanilang patayin
upang mapawi ang sumbat na di ko kakayanin

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?