Matapos lang ang lockdown

 matapos lang ang lockdown ay babalik ng Angono

sa Mahabang Parang na dating pinamugaran ko

at doon sa kapwa dukha'y muling magseserbisyo

habang tinataguyod ang niyakap kong prinsipyo


magiging katuwang muli ng kapwa mahihirap

na sinasalita'y unawa ko't katanggap-tanggap

doon, magsusulat muli't patuloy ang paglingap

at bilang lider-maralita'y doon mangungusap


ngayon ay nasa malayong iba ang kamalayan

iba ang kultura, walang mga isyu o laban

sayang lang kung tibak kang dito na maninirahan

sa payapang nayon na prinsipyo mo'y natabunan


ako'y aktibista, babalik ako sa labanan

ang tulad kong tibak ay nababagay sa lansangan

ayoko sa payapang lugar na pahingahan lang

lugar na tila naghihintay lang ng kamatayan


di ko nais magtagal dito sa payapang nayon

di rito ang lunsaran ng asam na rebolusyon

ang buhay ko'y nasasayang sa payapang maghapon

mabuti nang umalis upang tuparin ang misyon


- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan