Ang makatang Cirilo F. Bautista at ako

ANG MAKATANG CIRILO F. BAUTISTA AT AKO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binasa ko ang talambuhay ng makata't manunulat na si Cirilo F. Bautista, pambansang alagad ng sining para sa panitikan ng ating bansa. Iginawad sa kanya ang pagiging national artist for literature noong 2014. Nakabili ako ng kanyang dalawang aklat noon, ang Sugat ng Salita, at ang Kirot ng Kataga, mga orihinal, bago ko pa mabili sa UP Bookstore ang pinagsamang aklat na iyon.

Una ko siyang nakilala noon dahil kolumnista siya ng Philippine Panorama, kung saan tinatalakay niya noon ay hinggil sa English poetry o mga tula sa Ingles. Nang binasa ko ang kanyang talambuhay, nakita kong may munti kaming pagkakapareho, dahil kapwa kami mula sa Sampaloc, Maynila, manunulat at manunula.

Ayon sa pananaliksik, si Bautista ay isinilang sa Maynila noong Hulyo 9, 1941, at lumaki sa Balic-Balic, Sampaloc. Tulad ko, ipinagbuntis ako ng aking ina sa Washington St. (ngayon ay Maceda St.), sa Sampaloc,  hanggang ako'y isilang, hanggang lumipat kami sa Honradez St., sa Sampaloc. Nag-aral siya ng elementarya sa Legarda Elementary School sa Sampaloc, habang ako naman ay sa Nazareth School sa Sampaloc.

Pareho rin kaming nag-aral sa paaralang pinangangasiwaan ng mga paring Dominikano, mga paaralang umabot na sa ika-400 anibersaryo. Siya'y nag-aral ng AB Literature sa University of Santo Tomas, na tinatag noong 1611, habang ako naman ay nagtapos ng high school sa Colegio de San Juan de Letran, na tinatag noong 1620. 

Matapos siyang magtapos bilang magna cum laude sa UST noong 1963, inimbitahan siya ng isa niyang kaibigan na magturo sa Lungsod ng Baguio, sa St. Louis University. Nagturo siya roon ng limang taon, at doon din niya tinapos ang kanyang Masters Degree in Literature bilang magna cum laude noong 1968. Nang umalis siya sa Baguio, siya'y nagturo naman sa UST at sa De La Salle University.

Nakatapos siya ng AB Literature, habang ako naman ay nagtapos ng anim na buwang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.

Nito lang, mga dalawang taon na matapos kaming ikasal ni misis (tatlong beses ikinasal - civil wedding sa Tanay, Rizal, at tribal wedding - at church wedding sa Nasugbu, Batangas), ay naging malimit ang pagpunta ko sa Lungsod ng Baguio dahil sa aking asawa. At nito ngang kwarantina dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay dito kami sa malapit sa Lungsod ng Baguio nanirahan, pagkat may bahay sina misis sa katabing bayan ng Baguio, sa La Trinidad, Benguet.

Si Bautista ay maraming nalikhang aklat na inilabas ng mga kilalang publikasyon. Ako naman ay nakapaglathala ng aking mga tula at sanaysay bilang aklat sa pamamagitan naman ng pinamamahalaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Marami siyang natanggap na parangal bilang manunulat, at pinakamataas na karangalan na ang magawaran siya bilang National Artist for Literature. Ako naman ay nagkaroon ng apat na beses na pagkilala mula sa Human Rights Online Philippines, una, noong 2010, dalawang beses noong 2016, at noong 2019, dahil sa aking mga akda hinggil sa karapatang pantao.

Nang siya'y mamatay noong Mayo 6, 2018, kasalukuyan akong nasa Bontoc, Mountain Province, kasama si misis. Kagagaling lang namin noon sa lugar nina misis, kung saan sa kanilang lumang bahay ay nahalungkat ko ang mga lumang kopya ng Philippines Free Press. At nilitratuhan ko ang mga tula sa bawat isyung naroroon, at nahalungkat ang ilang mga lumang tula nina Cirilo F. Bautista at Eman Lacaba.

Mula Sampaloc, Maynila, tungo sa Lungsod ng Baguio, may pagkakapareho kami ni Cirilo F, Bautista, at pareho rin kaming makata at manunulat.

Gayunman, malayo pa ako kumpara sa kanya, pagkat National Artist na siya, habang ako naman ay patuloy pa ring nagsusulat sa ngayon sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mula sa maraming pasulatan tulad ng magasing Tambuli at pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa, tanging Taliba ng Maralita na lang ang aking pinagsusulatan. Marahil ay maaabot ko rin ang naabot ni Cirilo F. Bautista, subalit hindi ko na iyon pinapangarap, pagkat malayong-malayo ako sa kanya.

Basta siya'y iniidolo ko bilang manunulat at makata. At ngayon ay patuloy akong kumakatha ng mga tula, habang paminsan-minsan ay may mga sanaysay at maikling kwento. Susubukan ko pang makalikha kahit ng isang nobela sa tanang buhay ko.

Tila magtatagal pa ako dito sa Benguet. Kung si Cirilo Bautista ay tumagal sa Lungsod ng Baguio, na siyang kapital ng Benguet, ng limang taon bago bumalik ng Maynila, ako kaya'y tumagal din ng limang taon dito sa Benguet? Kung sakali man, magpapatuloy ako sa aking mga gawain sa karapatang pantao at manggagawa, marahil bilang labor paralegal. O kaya ay magtatayo rito ng Human Rights Center, o sasapi sa human rights center, kung meron man, sa Baguio. Gayunpaman, mukhang matagal pa ang pananalasa ng coronavirus kaya dito na muna ako marahil sa Benguet, kasama ng aking asawa.

Ginawan ko ng isang soneto si Cirilo Bautista, na hindi ko man lang nakadaupang palad, noong Disyembre 29, 2018. Ang soneto, o tulang may labing-apat na taludtod, ang tingin kong angkop dahil kung bibilangin ang letra ng kanyang pangalan at apelyido ay labing-apat na titik. Di ko na isinama ang kanyang middle initial upang eksakto sa soneto. Halina't tunghayan natin ang tula:

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

Mga pinaghalawan:
https://www.manilatimes.net/2018/05/07/news/top-stories/national-artist-cirilo-f-bautista-76-2/397305/
https://en.wikipedia.org/wiki/Cirilo_Bautista
https://www.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/202045-poet-cirilo-bautista-baguio-city-muse




Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot