Sa putikang landas

pinangalanan kong Markang Putik ang isang blog ko
sapagkat iyon ang marka ko, ang putikang ako
mabaho, amoy putik, madulas daw, aburido
subalit ako'y simpleng ako, karaniwang tao

ilang beses nang iwing buhay na'y biglang tumirik
muntik-muntikan ang disgrasya, oo, muntik-muntik
mabuti na lang ang utak ko'y di patumpik-tumpik
naiwasan din iyon bago pa mapatahimik

ngunit kung ako'y putik ay kakaiba ang diwa
pinagsamang PUlitika't paniTIK ang salita
oo, may pulitika sa bawat akda ko't paksa
na nilalambungan ng anino ng laksang dukha

lumubog man sa putik o gumapang man sa lusak
gumulong, magurlisan, o sa likod may tumarak
ako'y babangon at babangon kung saan nasadlak
titiyakin kong makaahon saanman bumagsak

tulad ng putik, dapat ingat rin, baka madulas
lalo't ang tinatahak ay di madaanang landas
tungo sa pangarap na lipunang lahat ay patas
walang pagsasamantala, bawat isa'y parehas

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot