Patuloy na pagsagot ng palaisipan

patuloy ang aking pagsagot ng palaisipan
na bigay lang sa akin upang may magawa naman
mga palaisipang sadya mong kagigiliwan
na bawat libreto'y dalawampu't pito ang laman

kaya ang dalawang libreto'y limampu't apat na
sa panahong may lockdown, pagsagot dito'y kaysaya
sinimulan kong sagutan noong isang araw pa
ng dalawang libretong natapos ko lang kanina

tila palaisipan ay imbensyong may adhika
lalo't tinatahi'y salita ng abang makata
na bawat bagong salita'y tinatandaang pawa
sapagkat magagamit din sa pagkatha ng tula

bata pa nang sa palaisipan na'y nahihilig
krosword na tagalog sa dyaryo'y bibilhin na't ibig
minsan may salita roong di mo pa naririnig
na pag iyong ginamit sa tula'y nakakaantig

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot