Mga tanong sa ilang

sa ulo'y nagkakamot habang naroon sa ilang
kung anu-ano'y nasa isip lalo't naiilang
dapat maligo't may balakubak, sa ngayon ilang
buwan nang lockdown na sa mga poste'y nagbibilang

gugupitin ang kuko, gagamitin ang kukote
ang mga pasaway ba'y bakit nila ginugulpi?
paano nila tinitiris kung mama'y salbahe?
bakit nadamay sa tokhang ang batang inosente?

marami nang namatay sa coronavirus ngunit
marami rin daw ang gumaling, ang kanilang giit
ngunit siksikan na sa mga ospital, ang sambit
paano kung maralitang gipit pa'y magkasakit?

milyon na'y nawalan ng trabaho, paano ngayon?
saan kakayod upang pamilya'y may malalamon?
bata pa'y apektado sa kanilang edukasyon
sa bagong normal na ito'y paano pa aahon?

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan