Di na ako hahawak ng gatilyo

di na ako hahawak ng gatilyo, di na muli
ayoko itong kalabitin hangga't maaari
sana'y mawala na ang mapagsamantalang uri
sana'y wala nang mga mapang-api't naghahari

ang lider at kasamang Mao nga noon ay nagwika
himagsikan ay sa dulo raw ng baril nagmula
subalit ngayon ito'y di na aking paniwala
pagkat di lang baril ang instrumento sa paglaya

pakikipagkapwa ang ating dapat itaguyod
ang Kartilya ng Katipunan sa marami'y lugod
organisahin ang masa bilang kanilang lingkod
lumaban sa mapang-api hanggang sa aking puntod

isa lang akong kawal ng hukbong mapagpalaya
nananalaytay sa ugat ang dugong mandirigma
di man baril ay pluma na ang nasa pulso't diwa
habang patuloy pa rin sa adhikang paglaya

ang kabulukan ng sistema'y aming ilalantad
itaguyod ang karapatang pantao't dignidad
labanan ang mapagsamantalang tubo ang hangad
ito ang tutupdin kong misyon kahit magkaedad

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot