Ang tanging kasalanan ko

ang tanging kasalanan ko lang ay ang pagtatanggol
sa pinagsasamantalahang di pa makatutol
sa mga inaapi ng burgesyang mapagmaktol
sa mga dukhang hinamak dahil walang panggugol

ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang masa
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya
lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala,
manggagawa't dukha ang kasamang nakikibaka

ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang bayan
laban sa mananakop na Tsina't ibang dayuhan
laban sa mapangyurak ng pantaong karapatan
laban sa katiwalian at sa tubo gahaman

ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang uri
mga dukha't manggagawa laban sa naghahari
laban sa hirap dulot ng pribadong pag-aari
dapat sa labang ito, uring obrero'y magwagi

ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang tao
itaguyod ang dignidad at karapatan nito
itaguyod ang pagkakapantay-pantay sa mundo
at walang pagsasamantala ng tao sa tao

kung sa mga pagkakasalang iyan ay mamatay
tinokhang ng sunud-sunurang asong walang malay
mamatamisin ko pang hatulan nilang mabitay
tanggap ko, kahit paano, ang buhay ko'y may saysay

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?