Wala kasing kita

wala kasi akong kita kaya utus-utusan
kulang na lang yata ako'y maging kutus-kutusan
wala bang kwentang tao, propagandista pa naman
sa kuryente't tubig, walang ambag, di mabayaran

pag tibak ba'y di basta tinatanggap sa trabaho?
pagkat pinagtatrabahuhan ay baka gumulo?
dahil ba may alam sa karapatan ng obrero?
dahil ba ikamo'y baka magkaunyon pa rito?

nais ko lang naman ay magkatrabahong may sahod
upang di magutom ang pamilya't maitaguyod
nais nilang tahimik na lang ako't nakatanghod
sa pinagagawa nila'y bulag na tagasunod

kung may problema sa pagawaan, alangan namang
tatanga-tanga lang ako't magbubulag-bulagan
nais kong may silbi pa rin sa kapwa't sambayanan
lalo sa aking kamanggagawa sa pagawaan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan