Tanaga sa hikahos

sadyang kalunos-lunos
ang buhay ng hikahos
di malabanang lubos
ang sakit na gumapos

paano ang pantustos
pag may coronavirus
walang kita't panggastos
tila di makaraos

sa lockdown na'y kawawa
lalo't nadama'y putla
sitwasyong di humupa
sana'y di na lumala

mahirap maging dukha
lalo't nadama'y putla
ng tulad kong dalita
pagkat lunas pa'y wala

bawal nang magkasakit
ang mga nagigipit
sitwasyong anong lupit
pag sakit na'y kumapit

bawal na ring humalik
at bumahin ng sabik
coronavirus, hasik
parang koronang tinik

pamilya'y alagaan
at inyong kalusugan
bayan na'y magtulungan
tayo'y magbayanihan

ayokong mapahamak
ang aking mga anak
buhay mang ito'y payak
di gagapang sa lusak

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 20.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot