Pagtanaw sa nagbabagong panahon

noong bata ako'y nilagnat, aking naalala
pinakain ng lugaw ng ina kong nag-alala
subalit pag nilagnat ka ngayong may kwarantina
di lang nanay, buong barangay ang mag-aalala

isa lamang iyan sa nakita kong kaibahan
sa sitwasyon noon at sa ngayong kapanahunan
iba ang dati't ang bagong normal na kalagayan,
na dapat nating pakasuriin at paghandaan

noon, pag naka-facemask ka'y huhulihin ng parak
tingin sa iyo'y holdaper kang sa masa'y pahamak
ngayon, huhulihin ng parak ang di naka-facemask
tingin ay pasaway kang sa masa'y magpapahamak

noon, krisis-pangkalusugan, solusyong medikal
ngayong krisis pangkalusugan, solusyon: militar
noon, upang di magkasakit, checkup sa ospital
ngayon, upang iwas-sakit, checkpoint o maospital

noon, facemask ay nagmahal nang pumutok ang bulkan,
ang mga walang facemask, binigyan ng lingkodbayan
ngayon, facemask ay nagkaubusan, walang mabilhan,
ang walang facemask, magmulta o doon sa kulungan

noon, pag may sakit, gobyerno'y tutulong sa kapos
ginagawan ito ng paraan, pati panustos
ngayon, di ang sakit ang tinutukan nilang lubos
mamamayan ang kinalaban, di coronavirus

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot