Taliba ng Maralita'y naritong naglilingkod

patuloy ang aming tungkulin sa mga dalita
kahit nasa kwarantina'y nagsusulat ng akda
kahit doon sa internet ay inilalathala
ang bunying pahayagang Taliba ng Maralita

sa notbuk paplanuhin ang pahina't nilalaman
sa ikalawang pahina'y batas at karapatan
at naroroon sa ikatlo'y editoryal naman
sa ikadalawampung pahina'y laging panulaan

mayroon ding mga pahayag ng organisasyon
na hinggil sa samutsaring paksang napapanahon
may sanaysay, minsan may sosyalistang akda roon
at may Balita Maralita at komiks na seksyon

usapan nina Mara at Lita'y iyong basahin
na diyalogo'y hinggil sa panlipunang usapin
ang pampublikong pabahay nga'y tinatalakay din
pati isyu, problema, demolisyon, at bayarin

ang Taliba ng Maralita'y ating itaguyod
basahin bawat artikulo, namnamin ang buod
may akda mang magagalit ka't di mo ikalugod
Taliba ng Maralita'y narito't naglilingkod

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot