Sa Taliba ng Maralita na ako mamamatay
isang makata't manunulat akong naturingan
na dapat ay maraming dyaryong pinagsusulatan
subalit nagsusulat lang sa isang pahayagan
sa Taliba ng Maralita ng aming samahan
pasalamat ako sa Taliba ng Maralita
pagkat ako'y nakakapaglingkod sa mga dukha
Taliba ng Maralitang tanging naglalathala
sa ngayon ng mga sanaysay ko't nalikhang tula
dalawampung pahinang pahayagang dukha ito
kaya ang paggawa nito'y pinagbubutihan ko
pagkat tanging ito lang ang sinusulatang dyaryo
kada buwan ay dalawang beses ang labas nito
kung sina Lopez Jaena nga'y may La Solidaridad
sa kasaysayan pa'y may pahayagang La Libertad
ako'y sa Taliba ng Maralita naglalahad
isyu't problema ng bayan ang dito'y nilalantad
sa lalamaning artikulo'y laging nagninilay
sinong susulat, sinong may akdang maibibigay
anong wastong linya't artikulong dapat ilagay
ito na ang pagsusulatan ko hanggang mamatay
salamat sa publikasyong ito ng mga dukha
at sa pagkakataong akda'y dito malathala
taos-pagpupugay sa Taliba ng Maralita
at sa mga mambabasa nitong di nagsasawa
- gregbituinjr.
* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento