Patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan
patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan
kaylakas ng tikatik, aba'y nagraragasaan
animo'y may demolisyon, yero'y nag-aangasan
habang nage-ekobrik ay patuloy sa paggampan
matagal maggupit, daliri rin ay nangangalay
dapat din, loob ng plastik ay malinisang tunay
punasan ng basahan o banlawan at isampay
walang latak ng pagkain ang plastik na ginutay
mga ginupit ay ipapasok sa boteng plastik
dapat malinis upang walang mikrobyong sumiksik
dapat di rin basa, patpat na kahoy ang paniksik
gagawing sintigas ng bato ang bawat ekobrik
habang kwarantina, sa page-ekobrik tumutok
doon ililibing ang plastik na di nabubulok
mai-ekobrik din kaya ang mga trapong bugok
dahil mga plastik din itong nakasusulasok
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento