Ngitngit ng kalikasan

kanina'y tirik ang araw, subalit nagbabadya
ang pagbuhos ng malakas na ulan, biglang-bigla
sa yerong bubong tila bato'y nagbagsakang lubha
sa nangingitim na ulap ay biglang kumawala

ibinuhos na ng kalikasan ang kanyang ngitngit
lalo't usok ng coal-fired power plants ay abot-langit
nang mapuno ng plastik ang dagat, nakakagalit
kalikasan ay nagwala't sa lupa gumigitgit

tuwang-tuwa naman ang magsasaka't nadiligan
ang mga tanim niyang nilinang sa kabukiran
habang animo'y basurahan ang mga lansangan
nagbaha pagkat sa kanal, plastik na'y nagbarahan

biktima ng ngitngit ng kalikasan ay tayo rin
batas ng kapaligiran ay alamin at sundin
huwag mo nang dumihan kung di mo kayang linisin
kalikasan ay buhay kaya alagaan natin

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?