Nakikita ko ang hirap sa iyong mga mata

nakikita ko ang hirap sa iyong mga mata
tila kaytagal mo nang niyakap ang pagdurusa
subalit anumang hirap ay di mo alintana
para sa pamilya, lahat ay iyong kinakaya
nagdaralita man, patuloy kang nakikibaka

hangga't may buhay, may pag-asa, ang paniwala mo
tama ka, pinag-iisipan mo kung anong wasto
kita ko, kayrami mo nang isinasakripisyo
hirap ka na subalit buo pa rin ang loob mo
nang pamilya'y itaguyod, di nagpapasaklolo

mabuhay ka, mabuhay ang tulad mo kahit hirap
sa kabila ng kalagayan mong aandap-andap
nagsisikap upang maabot ang iyong pangarap
may pinaglalaanang bukas kaya nagsisikap
sana, makita ko sa mata mong saya'y nalasap

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan