Nagagalit sa sarili

nagagalit sa sarili pag ako'y pumapalpak
di ko sinisisi ang asawa ko't mga anak
o kahit kaibigan, kakilala, kamag-anak
sarili lang ang sisisihin pagkat ako'y tunggak

bakit iba'y sisisihin sa pagkakamali ko
sila nga ba ang talagang nagkamali o ako
mahirap bang sa sarili'y tanggapin ang mali mo
tatanggapin ko ang mali upang makapagwasto

ilang beses na rin ba akong gumapang sa lusak
ilang beses na sa pagkilos muntik mapahamak
ilang beses nang nakatikim ng suntok at tadyak
ilang beses na rin ba akong gumanti't nanapak

kapalpakan ko ba'y maisisisi ko sa iba
o sarili'y pakasuriin at mag-analisa
magwasto upang makapaglingkod pa rin sa masa
sarili'y ayusin kung narito ang diperensya

nangyari'y pagnilayan, magwasto kung kailangan
magpakatao ka pa rin sa harap ng sinuman
makipagkapwa, di man makatao ang lipunan
gawain at tungkulin mo'y pagsikapang galingan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot