Ang kalayaan sa pamamahayag
ANG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
Sinaliksik at sinulat ni Greg Bituin Jr.
Sa ating Konstitusyong 1987, Artikulo III, Seksyon 4, ay nasusulat: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." ("Walang batas na dapat ipasa na pumipigil sa kalayaan sa pagsasalita, ng ekspresyon, o ng pamahayagan, o ang karapatan ng mga tao sa mapayapang pagtitipon at hilingin sa pamahalaan upang malunasan ang mga hinaing. - salin ni GBJ.)
Ito rin ang pinaninindigan ng ating publikasyong Taliba ng Maralita. Kaya patuloy tayong gumagawa, nagsusulat ng mga akda, at naglalathala ng ating pahayagan. Dahil ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan. Walang anumang batas ang dapat pumigil sa kalayaang ito.
Sapagkat patuloy ang pagdaloy ng komunikasyon, animo’y walang hanggang ang mga titik sa bawat pahina, patuloy ang daloy ng mga salita lagpas pa sa hangganan ng mga bansa. May mata ang balita, may tainga ang lupa, ayon nga sa isang kasabihang Pinoy. Kaya inaabot ng ating pahayagan ang mata at tainga ng kapwa dukha. Subalit may nais pumigil ng kalayaang ito, tulad ng naganap na pagsasara ng ABS-CBN, ang naganap na pagkapaslang sa mahigit 30 mamamahayag sa Maguindanao massacre noong 2009 at di mabilang na pagpaslang sa mga mamamahayag. Ilang titik lamang subalit makapangyarihan ang mga titik na nasa pahayagan.
Bilang mamamahayag ng Taliba ng Maralita, malaking pundasyon ng ating isinusulat ang mga salita. Kaya mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa bawat salitang ating ipinahahayag. Kaya dapat maingat tayo upang hindi tayo mapahamak sa mga halibyong (o fake news), at talagang seryoso tayong ang bawat isinusulat natin ay batay sa tunay na pangyayari. Dahil hindi na natin mai-edit ang mga impormasyong isinulat natin pag ito’y nalathala na at naipamahagi na ang pahayagan sa kapwa maralita.
Subalit dapat nating gampanan ang ating misyon – ang magbalita, mag-ulat, magmulat at mambatikos kung kailangan. Mahalaga’y naninindigan ang Taliba ng Maralita sa katotohanan at pagmumulat sa mga kapwa dukha tungo sa pangarap nating lipunang makataong iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan.
* Isinulat para sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa isyu nito ng Mayo 1-15, 2020, pahina 2.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento