Wala nang magtataho sa mga lansangan

Wala nang magtataho sa mga lansangan

aba'y wala nang magtataho sa mga lansangan
pati sila'y kailangang maglagi sa tahanan
ngunit isang kahig, isang tuka ang karamihan
paano ang pamilya sa ganitong kalagayan

pagkat panahon ngayon ng lockdown o kwarantina
upang di mahawa sa sakit na nananalasa
panahong sa polisiya'y dapat kang makiisa
upang di mahawa ng sakit ang iyong pamilya

kaysarap pa man din ng taho nilang nilalako
pampatalas daw ng isip, iyan ang tinuturo
kaya pala marami ang nahihilig sa taho
lalo na't batang nag-aaral matapos maglaro

ngunit wala nang magtataho sa mga lansangan
kung kailan sila babalik ay di pa malaman
sana'y malutas na ang nanalasang karamdaman
upang inaasam nating taho'y muling matikman

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan