Paumanhin, di ako palakwento

huwag na ninyong hilinging magkwentuhang matagal
dahil nais nyo akong makasama ng matagal
nais nyong magkwento ako ng aking pagkahangal?
para lang kayong nakikipagkwentuhan sa banal!

sa tortyur nga, hindi nila ako napagsalita
sa mga kwentong barkada o usapan pa kaya
lumaki akong mahilig magsulat, di dumada
kung nais nyo ng kwento ko, aklat ko'y basahin nga

sa kwento'y marami kayong mapupulot na aral
ang tula'y pawang kritisismo sa nasa pedestal
at may mga upak din sa mga pinunong hangal
ngunit may paghanga rin sa mga dalagang basal

di ako pipi, di lang ako madada sa inyo
muli man akong tortyurin, di ako palakwento
kung nais nyong mabatid anong nasa isipan ko
basahin ang tula't mababasa ang pagkatao

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot