Matindi talaga ang epekto ng COVID-19

matindi talaga ang epekto ng COVID-19
dalawang beses na lang kada araw kung kumain
minsan akala mo'y busog ka ngunit gutom pa rin 
parang natortyur muli, kwarantina'y piitan din

madaling araw gigising, tindahan pa'y sarado
ikasiyam pa ng umaga magbubukas ito
si Bunso'y iyak ng iyak, naubos na ang Nido
at iisang balot na lang ang natitirang Milo

mabuti't nakabili pa ng isang sakong bigas
bago pa patakaran sa kwarantina'y ilabas
paubos na ang naimbak na nudels at sardinas
mabuti't may alugbating agad na mapipitas

kung laging alugbati ang ulam, nakakasawa
gulay na't nudels, walang mabilhan ng karne't isda
sa COVID-19, tila bawat isa'y kaawa-awa
di makapagtrabaho, ramdam mo'y walang magawa

ang mga dating pinagpala'y naging mapag-imbot
kahit ang mga dating galante'y naging kuripot
ugnayan ng tao'y nawala, nauso ang damot
habang nabubundat naman yaong trapo't kurakot

pamilya'y inuuna, kapwa'y balewala muna
pondo ng gobyerno'y di rin sapat, mauubos na
sa atin nga'y kaytinding epekto ng kwarantina
nawa pananalasa ng salot ay matapos na

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan