Madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa

madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa
nagbubulay-bulay, nakikibaka't kumakatha
paano ba magwawagi ang uring manggagawa
ibagsak ang sistemang bulok ng mga kuhila

di maaaring agila'y lagi sa papawirin
napapagod din ito't tiyak magpapahinga rin
di buong buhay niya'y makalulutang sa hangin
bababa rin siya't maghahanap ng makakain

di mapamunuan ng ibon ang isda sa dagat
sapagkat magkaiba sila ng uri at balat
tulad ng kaibhan ng dukha't mayayamang bundat
lalo't dukha'y laging gutom at sa yaman ay salat

paano pamumunuan ng burgesya ang masa?
sasakalin sa leeg upang mapasunod nila?
paano ba mababago ang bulok na sistema?
maninikluhod na lang sa panginoong burgesya?

madaling araw, mag-uumaga, bukangliwayway
tanghali, hapon, dapithapon, laging nagninilay
takipsilim, hatinggabi, at patuloy ang buhay
puputok na ang liwanag, ikaw ba ay sasabay?

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot