Sinasabuhay natin ang pakikibakang masa

sinasabuhay natin ang pakikibakang masa
dahil sa niyakap nating prinsipyong sosyalista
layunin nating baguhin ang bulok na sistema
kaya ngayon, patuloy tayong nag-oorganisa

ginagawa natin ay di lang simpleng pamumuhay
dahil nakatuntong na ang isang paa sa hukay
kumikilos na sosyalismo'y gabay at patnubay
bagamat niyakap natin ang simpleng pamumuhay

nakatakdang ang manggagawa ang sepulturero
nitong pandaigdigang sistemang kapitalismo
kaya dapat nating organisahin ang obrero
upang mapang-aping sistema'y tuluyang mabago

dapat nating patalasin ang ating pagsusuri
at palakasing tuluyan ang diwang makauri
upang ating madurog ang pribadong pag-aari
at ibagsak ang bulok na sistemang naghahari

ang imperyalistang atake'y di basta huhupa
dahil narito tayong sosyalismo ang adhika
dapat magkapitbisig na ang uring manggagawa
sila bilang nangungunang hukbong mapagpalaya

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot