Sa Araw Laban sa Karahasan sa Kababaihan
taas-kamaong pagpupugay sa kababaihan
pagkat tao'y nagmula sa inyong sinapupunan
pagkat nanggaling sa inyo'y buong sangkatauhan
kaya marapat kayong saluduhan at igalang
ang kalahati ng buong daigdig ay babae
ngunit kayraming kababaihan ang inaapi
pinagsasamantalahan ng kung sinong buwitre
at inuupasala ang puri ng binibini
paano ba pipigilan ang pagyurak sa dangal
at ipagtatanggol ang puri ng babaeng basal
paano mapipigil ang pagnanasa ng hangal
at igalang ang taong kawangis ng inang mahal
may araw na itinalaga upang mapawi na
ang karahasan sa kababaihan, mawala na
dapat pa bang may isang araw na itatalaga
upang karapatan nila'y ating maalaala
sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay
kalahati kayo ng mundo, mabuhay, mabuhay!
nawa'y lalaging nasa mabuti ang inyong lagay
at wala nang dahas na dumapo sa inyong tunay!
- gregbituinjr.
* nilikha ng makata bilang paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women, Nobyembre 25, 2019, matapos ang ginawang pagkilos ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa araw na ito.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento