Pagbati ko po'y maligayang kaarawan, ama

pagbati ko po'y maligayang kaarawan, ama
nawa'y nasa mabuti kang kalagayan tuwina
maraming salamat at palaging naririyan ka
upang pagsabihan kami't magpayo ng maganda

nawa'y lagi kang nasa maayos na kalusugan
bagamat magkaiba tayo ng prinsipyong tangan
kaiba man itong aking tinahak na larangan
narito tayo't nagtutulungan kung kailangan

dumatal na kayo sa edad na pitumpu't walo
na sinapit na ang tatlong-kapat ng isang siglo
hatid ko'y pasalamat sa buo kong pagkatao
pagkat dinisiplina't hinubog ng aral ninyo

nawa'y manatili kayong malusog, aming tatay
lumakas pa kayo't humaba pa ang inyong buhay
maligayang kaarawan po ang pagbating tunay
taas-noo pong pagpupugay, mabuhay ka, Itay!

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot