Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan
pagkat petsa ito ng pagyurak sa kasaysayan
ang petsang inilibing ang diktador sa Libingan
ng mga Bayani, gayong walang kabayanihan

ikalabingwalo ng Nobyembre'y bakit naganap
sampung araw bago pa iyon ang Korte'y nangusap
na pwede nang malibing ang "bayaning" mapagpanggap
sa libingang  sa madla'y di naman katanggap-tanggap

"Hukayin! Hukayin!" sigaw ng marami: "Hukayin!"
ilipat na sa ibang libingan ang labi't libing
"Libingan iyon ng mga bayaning magigiting!"
"Diktador ay di bayani, dapat iyong tanggalin!"

diktador ay nilibing doong parang magnanakaw
ang bituka yata nila'y sadyang ganyan ang likaw
Nobyembre disiotso'y petsang tumatak ang araw
ng muling pagtaksil sa bayang sa hustisya'y uhaw

kaya kumilos tayo sa Nobyembre disiotso
gunitain ang petsa't dinggin ang hiling ng tao:
sa Libingan ng mga Bayani'y maalis ito
Di bayani ang diktador, di siya para rito!

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan