Nadarama ng dibdib ang parating na panganib

nadarama ng dibdib ang parating na panganib
habang ako'y patungo sa isang pook na liblib
habang kasabay ang dilag na may pagsintang tigib
habang naaapakan ang malalaking kuwitib

bakit dapat pag-aralan ang galaw ng lipunan?
bakit laksa'y mahirap at mayaman ay iilan?
bakit inaaring pribado ang yaman ng bayan?
bakit mapagsamantala'y sa masa'y hagikhikan?

di ba't para sa lahat ng tao ang mundong ito?
bakit karapatang pantao'y di nirerespeto?
tangan ba tayo sa leeg ng mga pulitiko?
at ang masa'y pinaglalaruan lang ng gobyerno?

parating na panganib ay nadarama ng dibdib
habang nangangati pa ang papagaling na langib
habang may nakaabang sa malalaking talahib
habang trapo'y nagbabantang ang masa'y masibasib

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan