Ilang Tanaga sa Pagkilos

dukha'y kawawa nga ba
sapagkat walang pera
o kikilos din sila
kapag naorganisa

di dapat kawawain
ang dukhang kauri rin
pagkat kasama natin
sa adhika't layunin

laban sa mapang-api,
pamahalaang bingi,
lipunang walang silbi,
kaya dapat iwaksi

di dapat kaawaan
ang dukha't lumalaban
silang sigaw din naman:
baguhin ang lipunan

panawagan ng masa:
wakasan ang sistema
lipuna'y palitan na
ng inaaping masa

hukbong mapagpalaya
ang uring manggagawa
na dapat laging handa
sa pagharap sa sigwa

kapitalistang gumon
sa kontraktwalisasyon
sa lupa na'y ibaon
ang susi'y rebolusyon

tara't magkapitbisig
ipakita ang tindig
dapat nating mausig
ang sanhi ng ligalig

* ang TANAGA ay uri ng tulang may tugma't sukat na pitong pantig bawat taludtod at apat na taludtod sa bawat saknong

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2019, p. 20.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan