Huwag kang tumunganga, makiisa sa kilusang masa

mabuting sa kilusang masa'y may partisipasyon
kaysa naman nakatunganga lang buong maghapon
mahirap laging nakatanghod lang sa telebisyon
at sa kawalang pag-asa na lang nagpapakahon

ano bang nangyari't nakatunganga na lang lagi
sa maghapon at magdamag nagbabakasakali
baka dumating ang pag-asang di naman mawari
at paano madurog ang gahamang naghahari

araw-gabi na lang, sa telebisyon nakatanghod
ngunit pawang drama sa buhay ang pinanonood
balita'y di mapakinggan, sa drama nalulunod
nakatunganga buong araw, di nakalulugod

di maaaring lagi lang tayong nasa pantasya
dapat ay makasama tayo sa kilusang masa
alamin ang iba't ibang isyu'y mga problema
upang tayo'y maging matatag sa pakikibaka

makibaka tayo't huwag laging nakatunganga
pag-aralan itong lipunang di mapagkalinga
halina't maging kaisa ng uring manggagawa
at baguhin ang sistemang naghahari'y kuhila

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot